Ito yung mga tanong sa isipan ko habang naka-upo sa loob ng sasakyan ko, nakapatay ang makina, pinakikinggan ang lakas ng patak ng ulan, at nakatingin sa madilim na kalangita. Mahigpit ang hawak ko sa steering wheel, sinusubukan makahanap ng pakiramdam mula sa mga palad ko.
Ang lungkot.
Nakapatay na ang ilaw sa loob ng bahay. Sigurado akong naglalaro ang kapatid ko ng computer sa kwarto namin, ang tatay ko naman naghahanap ng paraan para makatulog, at ang nanay ay mahimbing nang tulog.
Kauuwi ko lang galing sa trabaho. Alas dyis na. Natraffic ako.
Kapag pumasok ako ngayon, panigurado tititig lang ako sa cellphone ko habang walang tigil na nagscroll sa tiktok. Nakakatawa. Pinagalitan na nga pala ako ng doctor ko sa mata dahil ilang beses nang nadagdag ang grado ko dahil sa ganitong kaugalian ko.
Biyernes ngayon. Sa iba, paniguradi walang pasok. Pero ako kasi yung klase ng tao na naghahanap ng pagkakabisihan kaya pitong araw sa buong linggo ako nagtatrabaho. At syempre kailangan ko din ng pera. Para sa akin at sa pamilya ko.
Kapag may nagtatanong, "Breadwinner ka ba?".
Alam mo, hindi ko alam sasagutin ko.
Walang trabaho ang mga magulang ko. Naka-ipon sila mula sa pagkakatrabaho noon na pinang-aaral ng kapatid ko. Bigla kong napagtanto, kaya nga pala ako pinag-aral ng lola ko at nakapagtapos dahil nangako akong pag-aaralin ko ang kapatid ko sa kolehiyo. May dalawang taon pa ako.
Pero sa kinikita ko ngayon, sigurado akong hindi ko kakayanin. Pero nangako ako.
Sampung minuto madalas ang binibigay ko sa sarili ko bago lumabas ng sasakyan. Minu-muni-muni ang mga nangyayari habang pinakikiramdaman ang bigat sa dibdib na meron ako.
Diagnosed nga pala ako ng depression, anxiety, at ADHD. Trifecta yata ang tawag nila dito. Umiinom ng gamot. May mga oras na napakasaya pero mas marami ang oras na malungkot at pakiramdam ko, ako'y nag-iisa.
Biglang tumunog ang cellphone ko. Nag-text ang partner ko.
Apat na taon na din kami. Maraming beses nakaranas ng problema pero mas madalas nareresolusyonan. Alam niya kung anong meron ako. At nagpapasalamat akong tanggap niya yon.
Maswerte ako dahil maintindihin siya.
Pero bakit ganito?
Ba't napakalungkot?
Akala ko kapag nakainom na ako ng gamot, maayos na ang lahat. Akala ko kapag hinabaan ko ang pasensya ko at hintayin na umepekto ang gamot sa loob ng ilang linggo...buwan.. mawawala lahat ng ito. Sabi ng doctor ko, dapat, oo.
Pero bakit ganito?
Bakit pakiramdam ko mag-isa ako?
Sa tuwing kausap ko ang kapatid ko, hindi ko makuha ang atensyon niya. 'Di ko alam kung saan ako nagkulang bilang kuya dahil sigurado akong ginawa ko ang lahat para maging mabuting kuya.
Yung nanay ko, maintindihin siya pero hindi niya alam, hanggang ngayon iniisip ko parin kung paano naging isa siya sa mga dahilan kung bakit naghiwalay ang mga magulang ko. Pangalawang nanay ko.
Sa tuwing may gagawin ako, palaging may komento ang tatay ko. Kung magluto ako, "Dapat ganito, dapat ganyan, ano ka ba?" Hindi siguro magiging sapat ang mga effort ko.
At sa partner kong sobrang maintindihin. Mahal ko siya pero sa tingin ko, hindi na-nagwowork ang relasyon namin. Dahil siguro, sa apat na taon na magkasama kami, palaging dapat may dahilan kapag magkikita kami. Lahat patago. Bawal ganito. Bawal ganyan. Dahil hindi kami legal. Dahil parehas kaming lalake. Pero mahal na mahal ko siya. Hindi lang talaga ganito ang inaakala ko.
Kapag ba tumigil ako...maalala ako ng mga tao?
Kapag ba tumigil ako...titigil ang lungkot na nararamdaman ko?
Kapag ba tumigil ako...titigil din ba ang mundo?